3 pang mag-aaral nadale ng dengue

BAYUGAN, Agusan del Sur — Tatlo pang mag-aaral sa Agusan del Sur Pilot Laboratory School ang nadale ng dengue fever kahapon, kahit idineklara ng Department of Health-Caraga Regional Office na kontrolado na ang dengue outbreak sa nabanggit na lalawigan.

Kabilang sa mga biktimang na inoobserbahan ngayon sa ospital ay sina Ira Elaine Hinuangan, 7, ng Manga Street; Jorem Montera, 9, ng Tanguile St. at Juan Carlos Hamoy, 10, grade 4 at naninirahan naman Bayugan Public Market na pawang nasa Barangay Poblacion sa bayan ng Bayugan, Agusan del Sur.

Ayon sa principal ng Agusan del Sur Pilot Lab School na si Anna Marie Sevilla Montilla, ang mga biktima ay may palatandaang nadale ng virus na dala ng killer lamok kaya agad na dinala sa ospital sa Butuan City.

Inatasan na ng mga opisyal ng nasabing school, ang mga estudyante na magsuot ng mahabang medyas at mahabang pantalon para mapigilan ang kagat ng killer lamok tuwing may klase. Ipinatupad na rin sa mga kuwarto ng nasabing eskuwelahan na mag-spray ng kemikal bago magsimula ang klase. (Ben Serrano)

Show comments