Base sa ulat ni P/Chief Jaime Caringal, naitala ang insidente sa pagitan ng alas-10 hanggang alas-11 ng umaga kahapon matapos na mag-spark ang ilalim ng tanker habang bumabagtas sa matarik na highway kung saaan bumaligtad ito at nadamay ang kasunod na pampasaherong RS Transit Bus bago nahulog sa malalim na bangin.
May posibilidad na madagdagan pa ang mga nasawi dahil marami pang bangkay ang iniaahon mula sa bangin na nadamay sa pagsabog, ayon kay P/Senior Supt. Ramon Ochotorena.
Ayon sa ulat, karamihang biktima ay nagkalasug-lasog ang mga katawan at hindi na makilala dahil pawang sunog at ang mga sugatan naman ay dinala sa ilang ospital sa Pagadian City.
Maliban sa pampasaherong bus na nahulog sa bangin ay nadamay din ang ilan pang sasakyan na nasunog at ilang tambay na nagkapira-piraso ang katawan.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bumabagtas sa mabundok na bahagi ng highway ang tanker mula sa Pagadian City patungong Zamboanga Sibugay nang masiraan ng makina.
Ilan sa mga nakasaksi ang nakakitang nag-aapoy ang ilalim ng tanker kaya nawalan ng kontrol ang drayber hanggang sa bumaligtad at nadamay ang kasunod na bus na nahulog sa bangin.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang retrieval operations ng mga awtoridad habang sinisilip naman ang anggulo kung sinadya ang trahedya. (Joy Cantos)