Isa pang trader kinidnap

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Hindi pa man nareresolba ang naganap na kidnapping noong Lunes sa isang Indian trader na dinukot sa bayan ng Imus, Cavite, isa na namang negosyante ang kinidnap sa bayan ng General Mariano Alvarez noong Huwebes ng umaga.

Noong Lunes lang nagbayad ang mga kaanak ng Indian trader sa mga kidnaper ng P.9 milyon ransom, samantalang noong Huwebes, aabot sa P.5 milyon ransom naman ang ibinayad ng biktima sa mga suspek kapalit ng kanyang kalayaan.

Kinilala ni P/Senior Supt. Felipe Rojas, Laguna police director, ang biktimang si Rolando Reyes, 39, may negosyong lechon manok at residente ng Barangay Reyes ng nabanggit na bayan.

Ayon sa ulat, sakay ng kanilang AUV vehicle kasama ang dalawang helper nang harangin ng mga naka-bonnet na kalalakihang sakay ng Toyota Corolla sa kahabaan ng highway sa Barangay Virata, GMA bandang alas- 10:45 ng gabi

Isinakay si Reyes sa sasakyan ng mga kidnaper bago sumibad sa ’di pa malamang direksyon habang iniwan naman ang dalawa nitong helper sa madilim na bahagi ng nasabing lugar.

Agad namang nakahingi ng tulong ang dalawang helper sa dalawang himpilan ng pulisya GMA, Cavite at San Pedro, Laguna.

Ilang sandali lang, nakatanggap nang tawag sa telepono ang asawa ng biktima mula sa mga kidnaper at humihingi ng P1-milyon kapalit ng kalayaan ng kanyang mister.

Napag-alamang nakiusap ang misis ni Reyes na mabawasan ang hinihingi ng mga suspek hanggang sa magkasundo sila sa P.5 milyon at initusan ang misis na dalhin sa may bahagi ng Pacita Complex sa bayan ng San Pedro, Laguna bandang alas-10 ng umaga kinabukasan, araw ng Biyernes.

Sa salaysay ng babae, habang naghihintay siya sa nasabing lugar bitbit ang bag na may lamang P.5 milyon, biglang may sumulpot na dalawang suspek sakay ng motorsiklo at hinablot ang dala nitong bag bago nagsitakas.

Bandang alas- 5 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang pamilyang Reyes na pinalaya na si Rolando sa may Barangay Bancal sa bayan ng Carmona, Cavite. Iniimbestigahan naman ngayon ng mga awtoridad ang impormasyon na mga pulis din ang kidnaper ni Reyes matapos hulihin ang negosyante sa kasong may kaugnayan sa droga. (Arnell Ozaeta)

Show comments