5 kawatan ng kable nasakote
BATAAN Limang tinedyer na pinaniniwalaang miyembro ng "Putol-Kable Gang" ang nasakote ng mga alagad ng batas makaraang maaktuhang namumutol ng kable ng komunikasyon sa Barangay Diwa Pilar, Bataan kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan habang nakapiit sa himpilan ng pulisya ay nakilalang sina Mark Lusong, 17; utol nitong si Noel Lusong, Ronie Carpio, 19; Jinggoy Adovas, at Robert Marcelo na pawang naninirahan sa Barangay General Lim, Oroni, Bataan. Ayon kay P/Senior Supt Odelon Ramoneda, police provincial director, narekober sa mga suspek ang 80-metrong haba ng coaxial communication cable repeater na nagbibigay serbisyong kumunikasyon sa mga opisyal ng Bataan Provincial Capitol, mga kawani ng Orion Municipal Hall at Pilar Municipal Hall at maging mga opisyal ng lokal na pulisya at kampo ng Philippine Army sa Bataan. Malaki ang paniniwala ni Pilar Mayor Charlie Pizarro, na ang suspek ay siya ring responsable sa malawakang pagnanakaw ng kable ng kuryente at komunikasyon na ipinagbibili sa mga junk shop sa bayan ng Abucay. (Jonie Capalaran)