BUTUAN CITY Apat na kalalakihan ang iniulat na dinakip ng pulisya makaraang makumpiskahan ng baril na walang kaukulang permiso mula sa Commission on Elections (Comelec) sa magkakahiwalay na bayang sakop ng Agusan del Norte at Butuan City. Kinilala ni P/Chief Supt. Antonio Dator Nañas, Caraga police regional director, ang mga suspek na sina Rodrigo Clemente Ladao, 34, ng Barangay Sta. Ana, Tubay; Teodoro Tasic Sorongan, 51, sundalo ng Phil. Army; PO1 Greg Ian Gonzales ng Agusan del Norte Provincial Mobile Group; at si Mervin Openg Babayo, 26, ng Barangay Bann, Butuan City. Ang apat ay sinampahan ng kaukulang kaso base na rin sa ilalim ng batas ng Comelec na nagsimula noong Lunes (Enero 15).
(Ben Serrano) CAMP AGUINALDO Dalawang rebeldeng New Peoples Army (NPA) ang iniulat na napaslang habang tatlo pa ang nasugatan sa naganap na madugong engkuwentro laban sa sundalo ng Charlie Company, 17th Infantry Battalion ng Phil Army sa magubat na bahagi ng Sitio Bakong, Barangay Carupian, Baggao, Cagayan kamakalawa. Kinilala ang mga napaslang na sina Edralin Gudoy, 28; at Alvin Fuentes. Kabilang sa mga sugatang rebelde ay nakilalang sina Arlene Quintos, 15; Rosemarie Tomas, 22; at Sinoy Buco, 37, na pawang tauhan nina Dominador Javier at Alexander Santiago na namumuno sa grupong Militia ng Bayan ay nasa Cagayan Valley Medical Center. Sugatan naman sa panig ng militar ay sina Pfc. Jomar Balcia at Pfc. John Pagtud.
(Joy Cantos) 2 wanted sa Samar, arestado |
CAVITE Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang may mga kasong nakabinbin sa Samar ang nasakote ng pulisya sa bahagi ng Barangay Molino 4, Bacoor, Cavite kamakalawa. Ang mga suspek na nakumpiskahan ng baril ay nakilalang sina Pablito Hermida, 40; at Fidel Arcon na kapwa naninirahan sa nabanggit na barangay may apat na taon na ang nakalilipas. Ayon kay P/Chief Insp. Alex Borja, hepe ng pulisya sa bayan ng Bacoor, si Arcon ay may warrant of arrest sa kasong frustrated homicide na inisyu si Judge Narciso Vasquez Jr. ng Calbayog Regional Trial Court Branch 21, samantalang si Hermo ay inisyuhan ng arrest warrant ni Judge Abundio Uy sa kasong mutiple robbery.
(Cristina Timbang)