Ayon sa mga kamag-anak, namatay si Raymond Pagdanganan, 26, dahil sa internal bleeding habang ginagamot sa St. Lukes Medical Center bago mag-alas-4 ng hapon kahapon.
Ayon sa pulisya, bandang alas-3 ng madaling-araw kahapon, bumangga sa poste ng Meralco ang sinasakyang Nissan Frontier ng batang Pagdanganan matapos nitong mabangga ang isang tricycle na minamaneho ni Jordel Sabino sa south bound lane ng MacArthur Highway sa Brgy. San Pablo sa lungsod na ito.
Nagtamo ng maraming sugat sa katawan si Pagdanganan habang bahagyang mga galos lamang ang tinamo ng sakay ng tricycle.
Agad na isinugod sa Sacred Heart Hospital si Raymond, ngunit dahil sa malubha nitong kalagayan ay inilipat siya sa St. Lukes Medical Center sa Maynila.
Matatandaan na noong nakaraang 2004 elections, kumandidato si Raymond bilang bise gobernador kung saan ay nakasagupa niya ang beterano at incumbent Vice Governor na si Rely Plamenco.
Natalo si Raymond ngunit ikinagulat ng mga lider pulitika ang kanyang naitalang record dahil maliit ang naging lamang sa kanya ng beteranong kalaban. Siya ang ikalawang anak ni Sec. Roberto Pagdanganan na 12 taong naglingkod bilang gobernador ng Bulacan mula 1986-1998.
Samantala, pumanaw na rin si Rodolfo De Silva, ang aspirante bilang kongresista ng ika-apat na distrito na noong nakaraang linggo ay binaril sa harap ng kanyang bahay sa Sta. Maria, Bulacan. (Dino Balabo)