Ayon kay Armys 8th Infantry Division (ID) chief Major Gen. Rodrigo Maclang, may 30 miyembro ng NPA ang napuruhan makaraang magsagawa ng air at ground attack ang 802nd Infantry Brigade ng Philippine Army (PA) sa kuta ng mga rebelde sa bulubunduking bahagi ng Albuera, Leyte.
Bandang alas-4 ng hapon kamakalawa nang magsimulang magsagawa nang pag-atake ang pinagsanib na puwersa ng 802nd at 19th Infantry Brigades sanhi ng pagkakapaslang ng mga rebelde at pagkasugat ng iba pa.
Kasunod nito, isinagawa ang pagkubkob sa isa pang kuta ng NPA sa Brgy. Sinonogan, Pambujan, Northern Samar ng tropa ng 63rd Infantry Battalion.
Samantala, pitong rebelde naman at isang sundalo na kinilalang si Pfc. Adriel Manzano ang napatay sa engkuwentro sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng Armys 74th Infantry Battalion sa San Isidro, San Narciso, Quezon nitong Sabado ng hapon.
Sa nasabing insidente ay nasugatan si Lt. Jeffrey Bugnosen na ngayoy nilalapatan ng lunas sa Mt. Carmel Hospital sa Lucena City.
Sa Bicol Region ay naitala naman sa anim na rebelde at isa pang sundalo ang napaslang sa sagupaan ng tropa ng pamahalaan sa lalawigan ng Sorsogon at Albay kamakalawa.
Bandang alas-5:30 ng umaga noong Sabado nang makasagupa ng 901st Infantry Brigade ng PA ang may 21 rebelde sa Daraga, Albay at nagkaroon rin ng bakbakan sa pagitan ng 9th Infantry Battalion sa Pilar, Sorsogon.
Patuloy naman ang pursuit operations ng militar sa mga nakatakas pang rebelde. (Joy Cantos)