BULACAN Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa dalawang hindi kilalang lalaki ang isang 35-anyos na traffic enforcer malapit sa police station ng Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya, ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa mukha at bibig na si Manny Concepcion ng Barangay Guyong ng bayang nabanggit. Ayon kay P/Supt. Sheldon Jacaban, hepe ng Provincial Intelligence and Investigation Branch (PIIB), katatapos lamang kumain ng biktima sa isang tindahan nang lapitan ng gunman saka isinagawa ang pamamaslang. Agad namang tumakas ang killer sakay ng motorsiklong Suzuki na may plakang IX-1148
. (Dino Balabo/Boy Cruz) CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Maagang pinaglamayan ang dalawang miyembro ng Civilian Armed Auxiliary (CAA) matapos na pagbabarilin ng mga rebeldeng New Peoples Army sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Bicol, ayon sa ulat ng pulisya. Kinilala ang mga biktima na sina Ronie Hulip na pinaslang sa Sitio Lumacao, Bulan, Sorsogon; at si Manuel Portez na tumatayo bilang barangay treasurer ay niratrat ng NPA sa bahagi ng Barangay Hubo sa bayan ng Minalabac, Camarines Sur. Napag-alamang si Portez ay nagpapahinga sa kanyang bahay nang pasukin ng mga rebelde at isagawa ang pamamaslang. Si Portez ay aktibong kasapi ng CAA sa ilalim ng 22nd Infantry Battalion ng Phil. Army na nakabase sa Barangay Hubo ng nabanggit na bayan.
(Ed Casulla) Municipal treasurer pinabulagta |
BUTUAN CITY Hindi naging epektibo ang kampanya ng pulisya sa gun ban matapos na pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang municipal treasurer sa karamihan ng tao malapit sa public market na sakop ng Cabadbaran, Agusan del Norte kamakalawa ng gabi. Sapol sa dibdib at baywang ang biktimang si Noli Morta Bucong, 44, negosyante, municipal treasurer sa bayan ng Tubay, Agusan del Norte at naninirahan sa Barangay Doña Rosario. Sa ulat ni P/Chief Supt. Antonio Nanas, Caraga police regional director, bandang alas-7 ng gabi, papasakay na sana ng kotse sa parking lot ang biktima nang lapitan ng nag-iisang lalaki at isinagawa ang krimen. Kasalukuyang nangangalap ng impormasyon ang pulisya mula sa mga saksi.
(Ben Serrano)