January 20, 2007 | 12:00am
NUEVA ECIJA Dalawang lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa kasong kidnapping, ang nasakote ng pulisya sa isinagawang follow-up operation sa Barangay San Lorenzo, Gapan City, Nueva Ecija noong Miyerkules ng hapon. Pormal na sinampahan ng kaso ang mga suspek na sina Marcelo Casamis y Sagsagat, 21, ng Barangay Malinao, Gabaldon, Nueva Ecija; at si Christopher Palcone, 29, ng Barangay San Roque, San Leonardo, Nueva Ecija. Ayon kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, Nueva Ecija police provincial director, nakilala naman ang mag-inang dinukot na sina Daisy Morales y Velarde, 42 at anak nitong si Heracli Des II Morales, 19, ng Barangay San Vicente. Nagawang makatakas ng mag-ina sa mga kidnaper matapos na lumundag magkasabay mula sa sinasakyang Nissan Patrol na may plakang CRF-898 at naipagbigay-alam ang insidente sa kinauukulan. Narekober ng pulisya mula sa suspek ang dalawang baril at mga bala.
(Christian Ryan Sta. Ana)
Lider ng RHB dedo sa bakbakan |
BATAAN Napatay sa barilan ang isang lider ng Rebolusyunaryong Hukbo ng bayan (RHB) habang lima naman ang nasakote sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Barangay Binaritan, Morong, Bataan kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Carlos "Binoy" Santos, samantala, isa sa nasakote ay nakilalang si Antonio "Ka Arwin" Califa. Ang apat na suspek na pansamantalang hindi ibinigay sa mga mamamahayag ang pagkikilanlan sa hindi nabatid na dahilan ay patuloy na sinisiyasat ng pulisya sa Camp Cirilo. Napag-alamang may pending warrant of arrest ang mga suspek sa kasong pagpatay kay SPO3 Walter Baluyot sa bayan ng Orion noong Marso 9, 2005.
(Jonie Capalaran)
ALBAY Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 68-anyos na dating brodkaster ng mga rebeldeng New Peoples Army habang ang biktima ay nagbabantay sa kanyang maliit na tindahan sa Barangay Maroroy, Daraga, Albay kamakalawa ng gabi. Nasapol sa ulo ng bala ng baril ang biktima na si Jose "Dayonyor Joe" Loreno at hindi na naisugod pa sa ospital. Si Loreno na naging NPA rebs noong 1970 ay sumuko sa militar noong 1980 at naging miyembro ng Kilusan Kontra Komunista kaya pinagbantaan ng mga rebelde. Ayon sa ulat ni P/Supt. Jose Capinpin, police chief ng Daraga, bandang alas-7 ng gabi kamakalawa nang lumapit ang tatlong hindi kilalang lalaki para bumili ng sigarilyo sa tindahan ng biktima bago isinagawa ang pamamaslang.
(Ed Casulla)