Nakarating ang pag-aapruba ni DILG Secretary Ronaldo Puno sa kahilingan ni Sanchez matapos ma-interview ito ng live sa telebisyon at ipinahayag ang extension.
Ang apela ni Sanchez sa DILG ay nag-ugat matapos magbigay ng 48-oras na ultimatum si Puno sa kampo ni Sanchez upang lisanin ang kapitolyo nang ibaba ang 6-buwang suspension ng Ombudsman laban sa nasabing gobernador.
Ilang minuto lang matapos matanggap ang balita sa Batangas, tinawagan agad ni Chief Supt. Nicasio Radovan, Region 4 director, si Secretary Puno upang kumpirmahin ang balita na pinatutuhanan naman nito.
"I would like to thank Secretary Puno for his compassion and understanding", pahayag ni Sanchez sa mga mamamahayag.
"Sa pangalan ng lahat ng mga Batangueños, kasama na ang aking buong pamilya, tatanawin namin itong malaking utang na loob", dagdag pa ni Sanchez habang nangingilid ang luha nito.
Siniguro din ni Sanchez na hindi matutulad ang Batangas sa Iloilo na kung saan marahas na binuwag ng mga pulis ang mga supporters at mga kaanak ni Iloilo Governor Neil Tupas Sr. noong Miyerkules ng hapon.
"Gusto ko pang mamatay kaysa masaktan ang mga tao ko", pahayag ni Sanchez
Matatandaang pinabuwag ni Sanchez ang lahat ng barikada sa kapitolyo noong Miyerkules upang ipakita ang layunin nyang pagbaba sakaling hindi magkaroon ng temporary restraining order (TRO).
Nakatakda sanang ma-expire ang nauna nang ibinigay na 48-oras ultimatum ng DILG kahapon (Huwebes) hanggang sa mabigyan ito ng ekstensyon ng 24-oras.
Sa huling pahayag ni Sanchez sa mga reporters "kapag wala kaming makukuhang TRO hanggang Biyernes ng hapon, kusa na kaming bababa ng kapitolyo". (Arnell Ozaeta)