Aabot sa 432,000 puno ng marijuana na may taas na anim na talampakan na nakatanim sa tatlong plantasyon ang pinagbubunot ng mga tauhan ni P/Chief Supt. Leopoldo Bataoil, Ilocos regional director, sa serye ng operasyon sa bayan ng Alilem, Ilocos Sur at Bakun, Benguet.
Sinunog din ng mga operatiba ng Regional Mobile Group 1, Regional Anti-Illegal Drug Special Operations Task Force, mga pulis-Alilem at Regional Intelligence and Investigation Division, ang ilang puno ng marijuana sa mismong plantasyon sa mabundok na bahagi ng nasabing lugar.
Base sa talaan ng pulisya, noong Dec. 18, aabot sa 60,000 puno ng marijuana ang sinunog matapos na bunutin sa mabundok na bahagi ng Caoayan, Sugpon, Ilocos Sur.
Kasunod nito, sinalakay din ng pulisya na sakay ng dalawang AFP helicopter ang liblib na dalawang ektaryang plantasyon sa Sitio Bay-o sa Barangay Sasaba, Santol, La Union noong Dec 6 na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 30,000 puno ng marijuana. (Eva Visperas at Jun Elias)