Nagbunga ang pagsasampa ng kaso sa mga suspect matapos sumuko at kumanta ang isa sa tatlong gunmen na responsable sa pagpatay kay Arcillas kapalit ang P.5 milyon bilang kabayaran.
Ayon kay P/Chief Supt. Nicasio Radovan, Region 4-A police director, nahaharap sa kasong double murder at frustrated murder sina Herminigildo Vibal, Jr., 21, ng Poblacion 2, General Mariano Alvarez, Cavite; Arnold David, 21, ng Blk 1, Lot 1 Barangay Estrella, San Pedro, Laguna; Cipriano Refrea Jr., 27, ng San Pedro, Laguna.
Kasama rin sa kinasuhan kahapon ay sina Ricardo Pineda ng Mabuhay Homes, Barangay Mamatid, Cabuyao, Laguna; Edwin Barqueros, empleyado ng Sta Rosa City Hall at residente ng # 9 Sports Avenue, Mariquita Subdivision, Barangay Dita, Sta Rosa City; at Daniel Yason, contractor ng City Hall at naninirahan sa Purok 3, Barangay Aplaya.
Ang mga suspek ay pinaniniwalaang miyembro ng notoryus gun-for-hire na grupong Royal Blood Gangsta na pinamumunuan ni Reynaldo Cesar na napatay naman noong Dec. 5.
Ayon kay Radovan, kumanta si Refrea na tumayo ring back-up gunman sa krimen nang matakot ito matapos mapatay si Cesar.
Ininguso ni Refrea si Vibal, Jr. na siyang triggerman at kasalukuyang nakapiit.
Ayon kay Refrea, si Ricardo Pineda ang tumayo bilang financier ng grupo at supplier ng mga armas.
Sina Barqueros at Yason naman ang gumanap bilang impormante sa mga lakad at aktibidades ni Arcillas. Ikinagalak naman ng Pamilyang Arcillas ang pangyayari at umaasa sa mabilis na resolusyon ng kaso. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos at Ed Amoroso)