Sa pahayag ni Bocaue Mayor Serafin Dela Cruz, dapat malaman ng mga may-ari ng tindahan ng paputok ang mga hakbang upang maiwasan ang mga nakapanlulumong pangyayari dahil ang mga itinitindang paputok ay gawa sa materyales na madaling masunog.
Ipinaalala ng alkalde sa mga tindahan na dapat ay hindi tataas sa 25 kilo ang mga paputok na naka-display sa bawat tindahan.
"Dapat less than 25-kilos lang ang naka-display para maiwasan ang deadly explosions," dagdag pa ni Mayor Dela Cruz na batay na rin sa mga paalala ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association, Inc., (PPMDAI).
Ipinagbabawal din ang manigarilyo at mag testing ng paputok sa mga tindahang may naka-display na paputok particular sa kahabaan ng F. Halili Avenue na siyang nag-uugnay sa mga bayan ng Bocaue at Sta. Maria, Bulacan.
Pinaalalahanan naman ng pamunuan ng PPMDAI ang mga mamimili ng paputok na piliin ang mga gawa ng mga lisensyadong manggagawa ng paputok.
Ayon naman kina Neptali Guballa at Celso Cruz, mga dating pangulo ng PPMDAI, sa kabila ng pagpasok ng mga illegal at imported na paputok, ang mga kwitis at "sawa" ang pinakamabiling paputok na gawa sa bansa. (Dino Balabo & Boy Cruz)