Bangka lumubog: Mag-iina lunod

CAMP AGUINALDO – Naging masaklap ang pagsalubong sa Bagong Taon ng isang pamilya makaraang masawi ang mag-iina sa lumubog na bangkang de-motor sa karagatang sakop ng Barangay Agoho, Panay, Capiz kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga biktimang namatay ay nakilalang sina Amy Osario, 32; mga anak na sina Jaime, 6; at Kim Ryan, 2, na pawang naninirahan sa Anini-Y, Antique.

Nakilala naman ang mga nasagip na pasahero na sina Renante Romano, Rene Romano, Millano Lanoso, Andy Ragasa, Virginia Rasi, Rex Adones, Ariel Ayes, John Mark Ayes, Susan Refil, Salvacion Discusatan. Sheri Lee Refil, Rocell Bajande, Jenifer Rom, Reymond Murray, Beverly Marquez, Elmer Euraque, Louella Siason, Rebiaciono Cortez, Jennifer Ross at Maude Asuero.

Ang bangka ay may lulang 24-katao kabilang ang apat na tripulante mula Mandaon, Masbate at kasalukuyang naglalayag patungong Banica, Roxas City ng maganap ang insidente sa nabanggit na barangay.

Pagsapit sa nabanggit na lugar ay binalya ng malaking alon ang nabanggit na bangka kaya nabali ang cross joint hanggang sa tuluyang lumubog.

Base sa ulat ng Phil. Coast Guard at Office of Civil Defense, binalya ng malaking alon ang M/B Rembutche dakong alas-11 ng gabi kaya nabali ang cross joint at tuluyang lumubog.

Nasagip naman ng mga bangkang pangisdang sumaklolo sa lugar sa tulong ng mga tauhan ng Phil. Coast Guard ang mga biktima.

Nahaharap naman sa kasong kriminal ang may-ari ng bangka dahilan sa ginawang pampasahero ang bangkang pangisda.

Show comments