Ang biktima ay nakilalang si Victoria Dela Cruz, isang dating entertainer sa Japan at nakatira sa nasunog na bahay na matatagpuan sa Peralta Street, Brgy. San Sebastian sa bayang ito.
Wala namang ibang nadamay na bahay o tao sa nasabing insidente maliban sa biktima.
Ayon kay Victor Inocencio, isang kapitbahay ng biktima, dumadaan siya sa harap ng bahay ng biktima sakay ng kanyang motorbike ng mapansin niya ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay nito.
Kinalampag niya ang pinto ng bahay ngunit walang sumasagot, kayat tinawag niya ang iba pang kapitbahay upang maalerto.
Nagulat ang mga kapitbahay sa nakitang apoy, ngunit hindi naman nasiraan ng loob ang iba tulad ni Constancia Ramirez na agad na tumawag sa telepono upang humingi ng saklolo sa bumbero, samantalang ang mga kalalakihan ay nagsikuha ng mga timba na may tubig na iigib sa katabing sapa.
Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, nakipag-inuman pa ito sa kanyang mga kaibigan di kalayuan bago maganap ang insidente na kinumpirma naman ng isang residente na si Mario Payongayong.
Tinataya naman ng mga bumbero na isang sigarilyo ang pinagmulan ng sunog dahil sa loob ng bahay nagsimula ang apoy.
Kaugnay nito, ipinanukala naman ng mga residente ang pagkakaroon ng water pump sa kanilang lugar upang mabilis na tugunan ang mga katulad na insidente.
Ayon kay Kagawad Ramon Panganiban, isa sa nanguna sa pag-apula ng apoy, kailangan ang mga water pump sa Hagonoy dahil makikipot ang mga kalsada at hindi makadaan ang mga truck ng bumbero kapag rumeresponde.
"Binuhat lang namin yung kotseng nakaparada dun para makadaan yung truck ng bumbero," ani Panganiban. (Dino Balabo)