Gayunman, kasalukuyan pang inaalam ang mga pangalan ng mga napaslang na rebeldeng MILF.
Batay sa ulat, bandang alas-12:30 ng tanghali nang lusubin ng may 60 armadong MILF renegades sa pamumuno nina Commander Wahid Tundok at Commander Kristal ang pamayanan ng Sitio Damabago, Brgy. Miled, Radja Buayan ng lalawigan.
Ayon kay Lt. Col. Julieto Ando, Spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command, agad umanong nagpaulan ng bala ang mga rebeldeng MILF upang mapuwersa ang mga residente dito na magbigay sa kanilang grupo ng revolutionary tax, pagkain at gamot.
Dahil dito, napilitan nang lumaban ang mga residente at sa pangunguna ni Brgy. Chairman Sucarno Badal ay nakipagbarilan sa grupo ng mga nangha-harass na rebelde.
Kinumpirma ni MILF Spokesman Eid Kabalu, MILF Spokesman na 10 sa kanilang hanay ang nalagas sa engkuwentro habang walang namatay sa panig ng mga sibilyan na nagawang makapagkubli sa kanilang mga tahanan habang pinapuputukan ang mga umatakeng rebelde. Umatras ang grupo ng mga rebelde matapos na mamataan ang reinforcement team ng mga sundalo.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang cal. 30 machine gun, isang rocket propelled grenade (RPG), isang garrand rifle, isang cal. 30 at isang cal. 45 pistol. (Joy Cantos)