Kinilala ni Supt. James Brillantes, RSOG chief, ang mga suspek na sina Zalde Pilarte, 49; Rodolfo Manuel, 60; Manuel Veneracion, 57, driver; Arturo Torres, 44, Tirso Crivillo, 34, helper; Hilario Manarang, 43, Geno Noparada, 30 at Vanessa Simosa, 37, ng Brgy. Saimsim, Calamba City.
Ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Art. 308 ng Revised Penal Code o theft at Presidential Decrees 1865 at 1866 (economic sabotage).
Posible namang sampahan pa ng kaso ang dalawang pulis na umanoy nagsisilbing protector ng mga suspek na sina SPO1 Vicente Gadingin at SPO2 Manuel Matilla na nakabase sa Intelligence Division ng Police Regional Office 4 at Carmona Police Station.
Nabatid na tinangka pang suhulan ng dalawang pulis ng halagang P300,000 ang mga operatiba subalit hindi natuloy nang sila ay arestuhin sa isinagawang entrapment.
Ani Brillantes, sasailalim sa imbestigasyon sina Gadingan at Matilla matapos marekober ang kanilang police identification card na nakasabit sa harapan ng windshield ng Adventure at jeep.
Ayon naman kay Insp. Dante Yang, arresting team leader, galing ang trak sa Shell depot sa Batangas patungong Manila subalit idinaan muna ng mga suspek sa Silangan exit upang bawasan ang karga nitong gas nang masakote ng mga awtoridad dakong ala-1:20 ng hapon.
Nasamsam ng RSOG sa mga suspek ang isang kalibre .45 at dalawang sasakyan, owner type jeep (DLE-196), maroon Mitsubishi Adventure (VBC-569), dalawang 8-wheeler tanker (TXE-601 at CSK-399) at dalawang PNP identification cards. (Ed Amoroso At Arnell Ozaeta)