P8M ari-arian naabo

CATBALOGAN, Samar – Aabot sa P8 milyong ari-arian ang naabo makaraang masunog ang tatlumpong kabahayan at ilang gusali sa pampublikong palengke sa Barangay ‘12 sa Catbalogan, Samar noong Martes ng gabi. Sa inisyal na imbestigasyon ni Senior Insp. Daniel Salvatiera ng Catbalogan fire station, nagsimula ang sunog sa bahay na pag–aari ni Alibasa Mamaki. Tatlong oras ang itinagal ng sunog simula alas-8:45 ng gabi at naapula naman matapos na rumesponde ang mga tauhan ng pamatay-sunog mula sa bayan ng Paranas, Pinabacdao, Gandara, Catbalogan Fil-Chinese Volunteer Brigade at Catbalogan fire station. Napag-alamang ikatlong sunog na ang naganap sa nabanggit na lugar sa loob lamang ng sanglinggo. Unang nasunog ang kampo ng 6th Infantry Division sa Camp Lukban Maulong, Catbalogan, Samar. Naabo rin ang Lester Lace Grocery na ikinasawi ng isang 14-anyos na babae habang aabot naman sa P5 milyong ari-arian ang nasunog. (Maricel Castillo)

Show comments