Nagmistulang uling ang katawan ng biktimang si Louie Milenio matapos na masapol ng bomba na inilagay sa likurang bahagi ng bus ng mga hindi pa kilalang grupo na pinaniniwalaang rebeldeng New Peoples Army.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni P/Senior Supt. Angelito Pacia, Olongapo City PNP director, bandang alas-4:30 ng hapon nang magsibaba ang mga pasahero ng Victory Liner Bus na may plakang CWD-711 sa terminal ng nabanggit na lungsod.
Kasunod nito ay bumababa ang drayber na si Angelito Espejo, habang nag-iinspeksyon naman ang biktima kung saan namataan nito ang dalawang kahong magkapatong na naiwan sa likurang bahagi ng bus.
Habang hinihila ang dalawang kahon ay biglang umalingawngaw ang malakas na pagsabog at tumilapon ang katawang lasog at nasusunog na katawan ng biktima, ayon sa pahayag ng bus washer na si Ramil Rabanes na halos segundo lamang para umakyat siya sa sasakyan upang maglinis.
Halos masunog ang buong katawan ng Victory Liner Bus na may body number 1565 mula sa terminal sa Pasay City.
Unang rumesponde sa insidente ang ilang lokal na opisyal sa pangunguna ni Vice Mayor Paulino para mangasiwa sa kaayusan ng sitwasyon.
May teorya ang mga imbestigador na may kinalaman sa revolutionary tax na hinihingi ng mga rebeldeng New Peoples Army sa may-ari ng nabanggit na bus na pinaniniwalaang patuloy na hindi nagbibigay.