Militar vs NPA: 3 rebelde bulagta

NUEVA ECIJA – Tatlong rebeldeng New People’s Army ang iniulat na napaslang sa pinakahuling engkuwentro laban sa mga sundalo ng pamahalaan sa may mabundok na bahagi ng Sitio Lumboy Bukid, Barangay Tayabo, San Jose City, Nueva Ecija, kahapon ng umaga.

Sa ulat na ipinarating ni Lt. Col. Joselito Kakilala, commanding officer ng 48th Infantry Battallion, kay Major Gen. Juanito Gomez, commanding general ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, napalaban ang tropa ni 2Lt. Jover Tutanes sa mga rebeldeng NPA na pinamumunuan ng isang ‘Ka Rasul’.

Naitala ang madugong sagupaan bandang alas-7 ng Lunes ng umaga na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong NPA rebs na nakilalang sina Adies del Prado, alyas "Ka Bosyong/Ken ng Villa Marina, San Jose City, Nueva Ecija; "Ka Henry ng Quezon at isang alyas "Ka Mar ng Mangaldan, Pangasinan na ngayon ay nasa bakuran ng himpilan ng pulisya sa San Jose City.

Nakarekober ang tropa ng militar ng apat na M16 rifles at isang M14 rifle.

Kasunod nito, nabatid na dakong alas-11:05 ng umaga, ang grupo ng Philippine Army na pinamumunuan ni 2Lt. Tony Pilas na naging blocking force sa daraanan ng mga rebelde ay nakipagpalitan din ng putok sa tumatakas na mga rebeldeng NPA, na pinaniniwalaang ikinasugat ng marami sa mga ito.

Wala naman binanggit sa ulat kung may namatay o nasugatan sa panig ng gobyerno. (Christian Ryan Sta. Ana at Joy Cantos)

Show comments