Ang biktimang nasapol sa likurang bahagi ng ulo na tumagos sa kanyang bibig ay nakilalang si Anthony Licyayo, chairperson ng Cagimungan-Cagayan at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Agad namang itinuro ng tagapagsalita ng KMP na si Karl Ala, na miyembro ng death squad ng militar ang nasa likod ng pamamaslang sa kanilang kasamahan, subalit itinanggi naman ito ng mga opisyal ng AFP sa pagsasabing isa lamang itong black propaganda.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad sa nasabing bisinidad ang biktima nang harangin at pagbabarilin ng maskaradong lalaki bago palakad na lumayo sa crime scene na animoy walang naganap na karahasan.
Base sa talaan, si Licyayo ay ika- 57 sa opisyal at miyembro ng KMP na biktima ng extra judicial killing at ika-791 naman sa hanay ng mga militante simula pa noong 2001 ng manungkulan sa puwesto si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Magugunita na halos dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas ay pinagbabaril din ng hindi pa nakilalang kalalakihan si Joey Javier, isa ring lider manggagawa sa nabanggit na lalawigan. (Joy Cantos)