Ika-3 most wanted nasakote
November 26, 2006 | 12:00am
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Bumagsak sa kamay ng pulisya ang itinuturing na ika-3 most wanted sa Southern Tagalog sa isinagawang operasyon ng pulisya sa bahagi ng Poblacion, Bulan, Sorsogon kahapon ng umaga. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Bienvenido Mabaye ng Lucena Regional Trial Court-Branch 55, inaresto ng mga tauhan ni P/Supt. Enrique Magalona ang akusado sa kasong rape si Ricardo Tatlonghari, 50, ng Padre Burgos, Quezon. Si Tatlonghari na may patong sa ulo na P.140 milyon ay naispatan bandang alas-6:30 ng umaga sa tinutuluyang bahay sa nabanggit na bayan, base sa impormasyong nakalap ng pulisya. Walang piyansang inirekomenda ang korte kay Tatlonghari at kasalukuyang ihahatid sa lalawigan ng Quezon para litisin. (Ed Casulla)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Pinahirapan muna bago pinaslang ang isang 22-anyos na binata na pinaniniwalaang tiktik ng militar at pulisya makaraang kidnapin ng mga rebeldeng New Peoples Army sa Barangay Lungib, Pilar, Sorsogon kamakalawa ng hapon. Ang biktimang unang napaulat na dinukot ng mga rebelde noong Lunes (Nob. 13) ng madaling-araw ay nakilalang si Domingo Marbella ng nabanggit na barangay. Ayon sa pulisya, bago maganap ang insidente ay nakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang biktima, subalit patuloy nitong binabalewala hanggang sa dumating ang panahon na isagawa ng mga rebelde ang krimen. (Ed Casulla)
CAMARINES NORTE Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin ang isang heneral ng Phil. Army sa Kabikulan makaraang kumalat ang balitang pinasisibak siya sa puwesto bilang kumander ng 9th Infantry Division dahil sa naganap na pamamaril ng ilang sundalo sa kampo ng pulisya sa Naga City noong Martes, Nobyembre 7. Nadismaya naman ang pinasisibak na si Brig. General Napoleon Malana na may limang buwan pa lamang naninilbihan bilang kumander sa Camp Elias Angeles sa bayan ng Pili, Camarines Sur. Kumalat din ang balitang isang Brig. General Arugay ang ipapalit sa puwesto ni Gen. Malana. (Francis Elevado)
VINTAR, Ilocos Norte Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na namumutol ng punongkahoy ng walang kaukulang permiso sa Department of Environment and Natural Resources ang dinakip ng mga awtoridad sa mabundok na bahagi ng Barangay Saricao sa bayan ng Vintara, Ilocos Norte kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na pormal na kinasuhan ay nakilalang sina Nelson Gamiao, dating rebeldeng New Peoples Army; anak nitong si Melvin Gamiao at si Roger Rivera na pawang residente ng Tadao, Pasuquin. Nakatakas naman ang isa pang kasama ng mga suspek na may bitbit na chainsaw, ayon sa ulat ng opisyal ng DENR. (Myds Supnad)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Recommended