Sarhento ng PAF dinedo ng holdaper

BULACAN – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang sarhento ng Phil. Air Force matapos na barilin ng isa sa anim na holdaper sa loob ng Victory Liner Bus sa kahabaan ng North Luzon Expressway sa Malolos City, Bulacan kamakalawa ng umaga. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Technical Sargeant Bobby Lucero, maintenance employee ng Philippine Air Force sa Clark Field, Angeles City, Pampanga. Ayon sa pulisya, magkakahiwalay na sumakay ang mga holdaper sa nasabing bus (CWX-220) na minamaneho ni Dominador Lomibao at may rutang Tarlac mula sa Pasay bus terminal. Nagdeklara ng holdap ang mga suspek pagkalagpas ng Balintawak toll plaza na sakop ng Malolos City. Matapos mapatay ang biktima at limasin ang mga gamit at pera ng mga pasahero ay tuluyang bumaba sa bahagi ng Barangay Lias, Marilao, Bulacan. (Dino Balabo)
Ambush: Tiktik dedo, ex-police grabe
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Tinambangan at napatay ang isang tiktik ng militar habang malubha naman ang reteradong pulis sa panibagong karahasang inihasik ng mga rebeldeng New People’s Army sa Sitio Dasik, Barangay Luneta, Barcelona, Sorsogon, kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Noel Evasco, samantalang nasa Sorsogon Doctors Hospital si ex-SPO2 Jose Gading. Napag-alamang sakay ng motorsiklo ang dalawang biktimang nang harangin at ratratin ng mga rebelde na kaagad namang tumakas sa hindi nabatid na direksyon. May posibilidad na napagkamalang mga tiktik ng militar ang dalawang biktima. (Ed Casulla)

Show comments