Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Airman 1st Class Ernie Villapando, naka-assign sa motorpool ng Fernando Airbase sa Lipa City.
Base sa ulat ni P/Senior Superintendent David Quimio, hepe ng Lipa PNP, naitala ang pananambang bandang alas-8 ng gabi habang nagmamaneho ng kotse (PJG-146) ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng nabanggit na highway.
Anim na bala ng baril ang tumapos kay A1C Villapando, samantala, tumakas naman ang suspek patungong Barangay Mataas na Lipa na nailarawan ng mga saksi na naka-baseball cap at naka-itim na jacket.
Ayon kay Quimio, hindi gawain ng mga rebeldeng New Peoples Army ang ginawang pamamaraan ng pagpatay sa sundalo.
"Kung sparrow unit ito, hindi na para pa murahin nito ang biktima at magkasa pa ng baril bago pa paputukan ang kanyang target," dagdag pa ni Quimio.
Napag-alamang hindi propesyonal ang killer dahil itinayo pa nito ang kanyang motorsiklo sa tabi ng kotse ng biktima bago nito binuksan ang pinto ng sundalo at saka pa lang pinagbabaril.
Sinisilip ng mga awtoridad na maaaring personal ang naging motibo ng pamamaslang habang patuloy pa rin ang pagkalap ng mga ebidensya para sa iba pang anggulo ng kaso. (Arnell Ozaeta)