Ito ay matapos na lumabas sa mga deskripsiyon ng mga testigo ang hitsura ng mga pangunahing suspect sa pagpatay sa ama ng testigong si Charles Galarce na si G. Celerino Galarce, 47, tricycle driver, na pinagbabaril ng armadong kalalakihan nitong Nobyembre 6 ay parehung-pareho sa cartographic sketch ng mga naghagis ng granada sa burol ng nakatatandang Galarce sa bahay nito sa Bo. San Lazaro, Tala.
Nagpalabas na kahapon ng cartographic sketch ang Caloocan Police na naglalarawan sa limang suspect.
Ang mga suspect ay pinaghahanap na ng grupo ni Supt. Nap Cuaton, deputy chief of police ng Caloocan City at tumatayo ring hepe ng Station Investigation and Detection Management Bureau.
Si Celerino Galarce ay magugunitang pinagbabaril ng dalawang lalaki na naka-motorsiklo habang nagsasakay ng pasahero sa may Admin Site sa Tala, nasabing lungsod.
Tatlong araw mula nang maganap ang pagpatay sa ama ni Charles ay isinakatuparan naman ang plano ng limang suspect, dalawa rito ang nagsilbing look-out na maghagis ng tatlong granada sa burol ni Celerino habang maraming tao ang naglalamay nitong Nobyembre 10 dakong alas-11:30 ng gabi na ikinasawi nina Roberto Rabatong, 38, at Imelda Omalto, pawang sa Carmelite Village, nasabing lungsod at nagkasugat ng 22 iba pa.
Nauna rito, nakatanggap ng death threats ang pamilya ni Galarce sa mga taong nais na lagasin ang kanilang pamilya kaya agad silang nagpakanlong sa Caloocan Police bago naganap ang paghagis ng granada sa burol ni Celerino na kanilang iniwan kaya hindi sila nadamay at tanging ang mga kapitbahay at kakilala lamang na nakipaglamay ang nabiktima ng pambobomba.
Nais ng mga nagbabanta na iurong ng star witness na si Charles (Galarce) ang pagtestigo laban sa mga suspect sa pagpatay kay Ruñez noong Hulyo 28 na sina Insp. Bryan Limbo at PO3 Aristotle de Guzman na nakapiit ngayon sa Caloocan City Jail. (Ellen Fernando)