Tinedyer ‘sinalvage’ sa Cavite

CAMP VICENTE LIM, Laguna — Isang tinedyer na lalaki na pinaniniwalaang sinalvage ang natagpuang nakasako may ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima sa Barangay Mimije sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni P/Chief Inspector Manuel Placido, hepe ng GMA PNP, ang biktimang si RJ Fernando, barker ng mga jeepney at nakatira sa Block 12 Lot 7 sa Barangay Mimije sa bayang nabanggit.

Ayon sa pulisya, bandang alas-6 ng umaga nang matapuan ng mga residente ang magkasaklob na sako na may patay na tao sa nasabing lugar.

Nang siyasatin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), lumantad ang katawan ni Fernando na may nakapulupot na electrical cord sa leeg nito bago sinakluban ng dalawang sako, isa mula sa paa nito at isa pa mula naman sa may ulo.

Sa panayam ng PSN kay Maj. Placido, posible may nagawang kalokohan ang biktima na ikinagalit naman ng suspek kaya nito pinaslang at isinako bago itinapon.

Ayon pa kay Placido, may mga nakasaksing residente malapit sa crime scene na may tatlong kalalakihan na nakitang may buhat na sako bandang alas-2 ng madaling-araw bago natagpuan ang katawang ng biktima. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang) 

Show comments