Sakay ng Philippine Airlines flight number PR-127, dumating ang labi ni Michelle sa Centenial Airport bandang alas-6:15 ng gabi kasama ang tiyahin nitong si Marivic Ilagan na nagtatrabaho rin sa bansang Israel.
Bandang alas-8 ng gabi nang mailabas sa customs area ng airport si Michelle na sinalubong ng mga mahal sa buhay at malalapit na kamag-anak bago dineretso sa bahay nito sa Barangay Pinagsibaan, Rosario, Batangas.
Ayon sa ina ni Michelle na si Feliza Alunsagay, pinangakuan umano sila ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) na matatanggap nila ang lahat ng mga benipisyo na nakalaan sa mga naulila ng napatay na Overseas Filipino Worker (OFW).
Matatandaang kalunus-lunos ang sinapit ni Michelle matapos pagputul-putulin ang katawan nito na isinilid sa isang basurahan malapit sa kanyang dormitory sa Ibn Sina St. Haifa, Israel at natagpuan ng kanyang kapitbahay bandang ala-una ng umaga.
Ayon sa Department of Foreign Affairs(DFA) sa salaysay na rin ng ina ni Michelle, tinutugis na umano ng Israeli police ang suspek na nakilalang si Ling, isang Chinese national na umanoy nanliligaw sa biktima at dalawa pa nitong kasamahan na posibleng may kinalaman sa krimen.
"Nagbigay ng dalawang linggong palugit ang DFA bago nila kami muling bibigyan ng update tungkol sa kaso ni Michelle," ani Mrs Alunsagay sa PSN. Ang mga labi ni Michelle ay kasalukuyang nakaburol sa tahanan ng mga Alunsagay at nakatakdang ilibing sa Eternal Garden sa Barangay Alupay, Rosario, Batangas sa darating na Martes. (Arnell Ozaeta)