Kinilala ni Police Director PSr. Supt. Hernando Zafra ang biktima na si May Jehn Gibson y Yatco, American national, 3rd yr. high school sa St. John Academy, at nakatira sa naturang lugar na nasa ilalim na ng state of decomposition sa Sitio Payumo, Gen. Luna, Dinalupihan.
Sa isinagawang pagsisiyasat, dakong-1:50 ng madaling-araw, nang ireport ng isang lalaking basurero ang kanyang nakitang bangkay na nakabaon sa bahagi ng madamong lugar, may 100 metro lamang ang layo sa tinitirhan ng biktima.
Mabilis na tinungo ng mga operatiba sa pamumuno ni P/Sr. Insp. Rogelio Rillion, hepe ng Dinalupihan Police at laking gulat nila nang mamukhaan na ang bangkay na babae ay ang kanilang matagal nang hinahanap.
Sa follow-up operation ng Provincial Intelligence and Investigation Branch, Presidential Anti Crime Emergency Response Team-Region-3 at Dinalupihan Police, naaresto ang suspek na nakilalang si Rodolfo Javar Soriano, 17, ng Brgy. Saguing Dinalupihan.
Ipinagtapat ni Serrano ang kanyang partisipasyon sa pagpatay sa biktima at itinuro nito ang primary suspect na nakilalang si Richard Gunido, nasa hustong gulang, manliligaw ng biktima na nahuli rin agad sa kanyang pinagtataguan sa Valenzuela City, Bulacan bandang alas-5 ng umaga.
Sa rekord, dinukot umano ang biktima ng mga suspek noong Oktubre 27, 2006 kaya agad itong ipinaalam sa pulisya at pinanawagan pa ni Aling Felicing Penaflor, lola ng biktima sa ilang TV Station ang pagkakadukot nito.
Lumilitaw na isang nagngangalang alyas Tisay Manalili, kapitbahay ng biktima ang siya umanong katulong ng mga suspek para ilapit ang loob ng biktima sa manliligaw nitong suspek.
Hinihinala na kaya pinatay sa sakal ang biktima ng mga suspect dahil sa kilala nito ang mga salarin matapos na ito ay gahasain. Sinampahan na ng kasong murder ang tatlong suspek. (Jonie Capalaran)