5 bata na nagsoli ng P40,000 binigyan ng tig-P20

LUCENA CITY, Quezon – Kakarampot na tig-P20 lamang ang ibinigay ng isang negosyante sa limang bata na nakapulot ng kanyang nawalang wallet na may P40,000 bilang pabuya niya sa katapatan ng mga ito.

Base sa salaysay ni Jojo Chionglo, naglalakad siya dakong alas-7 ng gabi pauwi sa Barangay 7 nang madiskubre niyang nawawala mula sa kanyang bulsa ang pitaka na naglalaman ng P40,000.

Tiyempo namang nanghuhuli ng mga pusang gala ang limang bata sa tabi ng kalye nang makita nila ang pitaka kaya hindi na nagdalawang-isip ang mga batang sina Luigi Villania,12; Kevin Alan, 13; Mark Jerson Dagal,12; Ken Marcial, 14 at Fernan Jacinto, 13, na dalhin sa barangay post ang napulot.

Dahil may identification card ay natukoy ang may-ari na si Chionglo at naibalik sa kanya ang wallet.

Dahil sa tuwa ng negosyante ay binigyan niya ng tig-P20 ang mga bata at ng malaman ni Mayor Ramon Talaga Jr., ang insidente ay bolang pam-basketball ang ibinigay sa kahilingan na rin ng mga bata.

Tumanggap naman ng plake at  parangal mula sa sangguniang panglungsod sa inakdang resolution ni Councilor Joe Asensi, ang mga matatapat na bata

Pagkakalooban naman ng parangal ang tatlo sa limang bata ng kanilang mga eskwelahang pinapasukan. (Tony Sandoval)

Show comments