SAN JOSE CITY, Nueva Ecija Maagang sinalubong ni kamatayan ang isang 4-anyos na nene makaraang makulong sa nasusunog na apartment sa Del Pilar Street, Barangay F.E. Marcos, San Jose City, Nueva Ecija noong Lunes ng gabi. Sa ulat ni P/Supt. Peter Guibong, hepe ng San Jose City police station, nakilala ang namatay na biktima na si Justine Escobar y Santos. Nagsimulang kumalat ang apoy sa tinutulugang apartment ng biktima sa ikalawang palapag dakong alas-8 ng gabi. Ayon sa ulat, agad namang rumesponde ang mga pamatay-sunog ng San Jose City at Muñoz Science City, subalit nabigong hindi na nailigtas ang bata. Aabot naman sa P.4 milyong ari-arian ang naabo sa naganap na sunog.
(Christian Ryan Sta. Ana) Ex-labor lider dedo sa ambush |
TANAY, Rizal Tinambangan at napatay ang isang 43-anyos na dating labor lider ng mga armadong kalalakihan habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Eli Bartolay, habang sakay naman ng motorsiklo ang dalawang suspek na tumakas matapos isagawa ang pananambang dakong alas-6 ng gabi. Sa imbestigasyon ni PO2 Rudy Billodo, lumalabas na posibleng may malaking atraso ang biktima kaya pinapatay habang sinisilip ang anggulong may kaugnayan ang krimen sa pagiging dating labor lider.
(Edwin Balasa) CAVITE Aabot sa 50 kabahayan ang tinupok ng apoy sa naganap na tatlong oras na sunog sa Barangay Tabon 1, Kawit, Cavite kahapon ng madaling-araw. Base sa ulat nagsimulang kumalat ang apoy bandang alauna y medya hanggang maapula ganap na alas-4 ng madaling-araw. Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan, subalit aabot naman sa milyong halaga ng ari-arian ang nilamon ng apoy kaya nawalan ng tahanan ang 50 pamilya.
(Cristina Timbang)