November 6, 2006 | 12:00am
Kuya binareta ni bunso, dedo
|
CAMP SIMEON OLA , Legazpi City Isang 38-anyos na binata ang nasawi matapos na hatawin ng bareta ng bunsong kapatid makaraang magwala ang una at tangkaing saksakin ang huli kamakalawa ng gabi sa Brgy. Del Carmen, Calabanga, Camarines Sur. Hindi na umabot pang buhay sa Bicol Medical Center ang biktima na si Noe Elopre, residente ng naturang lugar. Agad namang sumuko ang nakapatay nitong utol na si Marlon Elopre, 34, may-asawa, ng naturang lugar. Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:00 ng gabi nang umuwing lasing ang biktima at saka nagwala sa labas ng kanilang bahay. Tinangka naman itong awatin ng bunsong kapatid subalit inundayan ito ng saksak ng kuya kaya mabilis siyang tumakbo papalayo. Nang makita ng bunso ang bareta sa gawing daraanan nito ay agad na dinampot at saka hinarap ang kanyang kuya saka hinataw ng bareta sanhi ng kanyang kamatayan. Inihahanda na ang kasong parricide laban sa suspek.
(Ed Casulla)
CAMP NAKAR, Lucena City Patay ang isang aktibong miyembro ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) matapos na makasagupa ng grupo nito ang mga tropa ng pamahalaan sa inilunsad na bakbakan ng AFP at NPA sa San Narciso, Quezon, kahapon. Sinabi ni SOLCOM Commander Maj. Gen. Alexander Yano na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na rebelde. Batay sa ulat, naganap ang engkuwentro sa pagitan ng dalawang panig dakong alas-5:45 ng umaga habang nagsasagawa ng security combat operation sa Sitio Daniwdiw ang mga elemento ng 74th IB, PA. Namataan umano ng tropa ng pamahalaan ang nasa 20 miyembro ng NPA na pawang kasapi ng Kilusang Larangang Guerilla KLG na nagsasagawa ng assault rehearsal hanggang sa magpalitan na ang mga ito ng punglo. Patay agad sa unang bugso ng putukan ang isang rebelde at napilitan ang mga itong tumakas at naiwanan nila ang dalawang M-6, isang caliber .357 at 2 icom radios. Kaagad na nag-dispatch ng dalawang huey helicopter ang SOLCOM sa lugar na tinungo ng mga rebelde upang maging katuwang ng ground troops ng pamahalaan laban sa mga snipers ng NPA na nakapuwesto sa kagubatan.
(Tony Sandoval /Joy Cantos)
Ambulansya vs truck: 1 utas
|
CAMP CRAME Patay ang isang driver habang sugatan naman ang apat na katao matapos na aksidenteng sumalpok ang ambulansya na minamaneho ng una sa kasalubong na truck sa kahabaan ng highway ng Brgy. Manicahan, Zamboanga City kamakalawa. Dead-on-arrival sa Zamboanga City Medical Center ang ambulance driver na si Danilo Camolyo. Ang apat na nasugatang pasahero ay mabilis namang isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas. Batay sa ulat, naganap ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-10 ng umaga. Nabatid na kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang nasabing ambulansya na pag-aari ng munisipalidad ng Alicia sa nasabing lalawigan nang tangkain ng ambulansya na mag-overtake sa isang multi-cab. Dahilan sa bilis ng takbo ng ambulansiya ay nawalan ng kontrol ang manibela hanggang bumangga sa truck.
(Joy Cantos)