NBI agent kinotongan ng 4 pulis

KORONADAL CITY – Nalalagay sa balag ng alanganin ang apat na pulis sa South Cotabato makaraang kotongan ang isang operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bayan ng Tantangan noong Setyembre 14, 2006. Kabilang sa kinasuhang pulis na nakatalaga sa Traffic Management Group-South Cotabato ay sina SPO2 Velos, PO2 Aturdido, PO1 Sacramento at PO1 Versona na naunang kinasuhan ng isang truck driver ng extortion, subalit hindi nag prosper ang kaso dahil umatras ang nagreklamong drayber sa hindi nabatid na dahilan.

Ayon kay P/Chief Insp. Leodegario Bentayo, provincial director ng South Cotabato-Police Internal Affairs, nagsampa na nang reklamo ang biktimang si Rodolfo Morado, intelligence operative ng NBI-Saranggani district na nakabase malapit sa General Santos City.

Napag-alamang nagmomotorsiklong nakatsinelas lamang si Morado nang parahin at sitahin ng mga suspek ang biktima noong gabi ng nasabing petsa. Dinala ang motorsiklo sa compound ng TMG at sa loob ng opisina ng mga suspek ay hinihingan ng P1,000 ang biktima para makuha ang kinumpiskang sasakyan.

Walang nagawa ang biktima kundi magbigay ng P500 na napagkasunduan kaya nakuha ang kanyang motorsiklo at naantala lamang ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga suspek dahil may mahalagang inasikaso si Morado. (Ramil Bajo)

Show comments