4 suspek sa holdap timbog

BULACAN — Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na holdaper ang dinakip ng pulisya makaraang holdapin ang isang pampasaherong jeepney sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan, kamakalawa. Pormal na kinasuhan habang nakapiit ang mga suspek na sina Phillip Jamutilla y Bongkawil, Gerardo Cepe y Lualhati, Wilfredo Ferrer y Meralpis, at Jay-R Sante Sarino y Teope, pawang residente ng Barangay Bangkal, Meycauayan, Bulacan.

Ayon kay SPO1 Salvador Jose, ang mga suspek ay sumakay ng dyipni (CVU-492) sa Barangay Lias, Marilao at pagdating sa Barangay Sta. Rita ay nagdeklara ng holdap

Matapos limasin ang pera, alahas at personal na gamit ng mga pasahero ay inutusan ng mga suspek ang drayber na bumalik sa bayan ng Marilao.

Habang nagkakagulo sa loob ng sasakyan ay namataan naman ng isang residente ang kaguluhan kaya ipinagbigay-alam sa pulisya hanggang sa masakote ang mga suspek sa bahagi ng Calumpit-Pulilan Road sa Barangay Longos.

Narekober ng pulisya ang isang baril na may apat na bala, dalawang patalim, distilyador at mga ninakaw ng mga suspek sa mga pasahero ng jeepney. (Dino Balabo)

Show comments