N. Luzon nilumpo ni ‘Paeng’

CAMP AGUINALDO – Nilumpo ni bagyong "Paeng" ang hilagang Luzon at Aurora sa Southern Luzon makaraang mabuwal ang mga punongkahoy at mga linya ng komunikasyon habang sampu naman ang naitalang nasawi, ayon sa mga opisyal kahapon.

Si "Paeng" ang ikalawang bagyong nanalasa sa hilagang Luzon sa nakalipas na ilang buwan na may lakas ng hanging 175 kilometro bawat oras at sa bilis na 210 kilometro kada oras.

Batay sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), mula sa mga lokal na opisyal, kabilang sa mga nasawi ay isang 29-anyos na mangingisda na nalunod matapos na lumubog ang bangka sa karagatang sakop ng Isabela, samantalang ang mag-inang Jocelyn Biares, 28; at anak na si Ian, 6, ay nasawi rin matapos na tamaan ng lumipad na yero sa bayan ng Dilasag, Aurora habang isa naming tinedyer ang nalunod sa Cagayan River sa Isabela. Patuloy namang inaalam ang mga pangalan ng tatlo pang nawawalang biktima.

Suspindedo naman ang mga klase at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa mga lugar na apektado ng signal no.1, 2, 3, at 4 ng bagyong "Paeng" sa Northern Luzon partikular na sa Isabela, Quirino at hilagang Aurora na hinagupit ng storm signal no. 4.

Kaugnay nito, iniulat naman ng Regional Disaster Coordinating Council (RDCC) sa Ilocos na may 31 bata ang nailigtas sa isang Welfare Center sa Aringay, La Union sa rumaragasang tubig-baha.

Kabilang pa sa mga nailigtas ay walong tinedyer, siyam na matanda at apat na kawani ng International Summer Village sa Barangay Samara sa bayan ng Aringay.

Sa pinakahuling ulat ng Phil. Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), humihina na ang bagyong "Paeng" at inaasahang palabas na ng bansa, subalit nakataas pa rin sa signal no. 3 sa Ilocos Sur, La Union, Western Pangasinan at Northern Zambales dahil sa lakas ng hanging 100 hanggang 185kph.

Habang ang signal no. 2 ay nakataas sa Ilocos Norte, Abra, Mt. Province, Ifugao, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Zambales, samantalang signal no. 1 naman sa Batanes, Cagayan, Calayaan Islands, Apayao, Kalinga, Isabela, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Quirino, Aurora, Bulacan, Pampanga at Bataan.

Aabot naman sa P15.4 milyong panamin sa mga apektadong lalawigan ang nawasak.

Magugunita na nitong nakalipas na buwan ay aabot sa 230-katao ang nasawi at nawawala matapos na manalasa ang bagyong "Milenyo" na may international codename na "Xangsane" at humagupit din sa Metro Manila. (Joy Cantos, Angie Dela Cruz At Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments