"The report about evacuation is true," pahayag ni Col. Eduardo Ducusin, commander ng Marines 2nd Brigade na nakabase sa Iligan City.
Nabatid na nagsimulang magsilikas ang mga resi dente matapos na magbabala si MILF field Commander Bravo na aatakihin nila ang mga himpilan ng militar sa Lanao del Norte dahil sa deadlock sa peace talks.
Bilang reaksyon ay sinabi naman ni Ducusin na paiiralin nila ang ceasefire, subalit sa kabila nito ay nasa defensive position ang kanilang tropa sakaling umatake ang mga rebeldeng MILF.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni James Macaraya, close-aide ni MILFs Deputy Chairman for Military Affairs Aleem Abdul Aziz Mimbantas, na binigyan ng kanilang liderato ng go-signal ang mga field commander para magsagawa ng pag-atake sa mga detachment ng militar.
Nabatid na may 60 pamilya o aabot sa 3,000-katao ang nagsilikas base na rin sa tala ng Mindanao Peoples Caucus (MPC).
Magugunita na nagkaroon ng bahagyang hindi pagkakaunawaan sa peace talks sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong nakalipas na buwan dahil sa isyung teritoryo pagkaraang ipagpilitan ng MILF na dagdagan pa ang mga lugar na ipinapanukalang maging tirahan ng Bangsamoro. (Joy Cantos)