Babaerong manliligaw tinodas
October 28, 2006 | 12:00am
QUEZON Tinapos ng isang magsasaka ang panliligaw ng isang 30-anyos na lalaki sa kanyang nakababatang utol nang hatawin niya ito ng kahoy sa ulo hanggang mamatay kamakalawa ng hapon sa Barangay Sto.Cristo, Sariaya, Quezon. Basag ang bungo at agad na nasawi si Edgardo Lunes ng Barangay Concepcion Palasan, samantalang tumakas naman ang suspek na si Joseph Platino, 26. Sa imbestigasyon ni PO3 Enrico Perez, lumitaw na nakipag-inuman ang biktima sa suspek at iba pa nilang kapwa magsasaka. Nang malasing ay inungkat ng suspek ang panliligaw ng biktima sa kanyang utol na si Gina Platino kaya pinagsabihan nito na itigil dahil may asawa na siya, subalit sinabi ng biktima na mahal niya ang kapatid ng una. Dahil sa galit ay kumuha ng isang kahoy ang suspek at pinagpapalo sa ulo ang biktima. (Tony Sandoval)
PAMPANGA Tinambangan at napatay ng mga armadong kalalakihan ang isang 34-anyos na barangay captain habang kritikal naman ang kanyang misis sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay San Nicolas, Lubao, Pampanga kamakalawa ng umaga. Tatlong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Barangay Captain Roberto "Bert" Ocampo ng Barangay Sta. Lucia ng nabanggit na bayan. Samantalang nakikipaglaban naman kay kamatayan si Amancia Ocampo, misis ni Roberto na tinamaan din habang sakay ng kotse na may plakang NYP-876. Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya, ang mag-asawa ay bumabagtas sa kahabaan ng highway nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihang sakay ng pickup na walang plaka. (Resty Salvador)
LAGUNA Lima-katao na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ng kable ng kuryente ang dinakma ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna kamakalawa. Ang mga suspek na nakapagpiyansa ng P50,000 kada isa sa isinampang kaukulang kaso ay nakilalang sina Ann Rose Tabale, Angelito Menor, Raulito Gono, Johnny Espino at Ruel Desuasido na pawang kawani ng pribadong kompanyang RMCE sa Valenzuela City. Ayon sa pulisya, ang mga suspek ay nakumpiskahan ng 15-toneladang kable ng kuryente na pag-aari ng Meralco habang sakay ng trak (WLA-563) na pag-aari ni Gabby Ang, mula sa Barangay San Isidro, Cabuyao, Laguna. (Ed Amoroso)
CAMP AGUINALDO Anim na rebeldeng New Peoples Army na pawang sanay gumawa ng pampasabog ang dinakma ng militar sa isinagawang operasyon sa Barangay Tala, San Andres, Quezon kamakalawa. Ang mga suspek na nakumpiskahan ng mga kemikal na sangkap sa bomba at ilang subersibong dokumento ay nakilalang sina Winifredo "Ka Binsar" Ranes, Juan Cabradilla, Susan Villamor, Jerome Verdida, Genelyn Verdida at Joan Cabradilla Ranes. Ayon kay Major Ernesto Torres Jr., Phil. Army spokesman, nabitag ng mga tauhan ng Delta Company ng Armys 74th Infantry Battalion ang mga suspek matapos salakayin ang pinagkukutaan sa liblib na bahagi ng Sitio Kabulihan ng nabanggit na bayan. Ayon pa sa ulat, ang mga nakumpiskang pampasabog ay ginagamit ng mga rebelde sa ilang telecom cell site ng Globe at ilan pang negosyo na tumatangging magbigay ng revolutionary tax. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest