Nakinig sa payo, NPA sumuko

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija — Sumunod sa payo ng sariling ina ang naging batayan ng isang 27-anyos na lider ng mga rebeldeng New People’s Army para sumuko sa pamahalaan, kamakalawa sa San Jose City, Nueva Ecija.

Nagbalik-loob sa gobyerno si Edward Cabanero, alyas "Ka Jerry", ng Campo 3, Barangay Kita-kita, San Jose City, na sumuko mismo kay Lt. Col. Joselito Kakilala, pinuno ng 48th Infantry Battalion sa ilalim ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Si Cabanero na squad-leader ng Platoon Alpha ng Kilusang Front 1 ng Nueva Ecija Party Committee (NEPCOM) ay sumuko matapos makipag-usap sa kanyang ina nang minsang umuwi ito.

Napag-isipang mabuti ni Ka Jerry, ang payo ng kanyang ina nang mapagtantong walang nangyayari sa kanyang buhay at nasaksihan pa ang ginawang pagpatay sa isa nilang kasamang rebelde matapos mapagbintangang espiya ng gobyerno.

Tinuligsa rin ni Ka Jerry, ang sexual harassment laban sa mga kababaihan sa kanilang kilusan na ginagawa ng kanilang mga lider na nagresulta para mabuntis ng kanilang commanding officer na nakilalang si Simon Empabido, alyas "Ka Brando", si "Ka Migs" na noo’y 19-anyos pa lamang.

Nagsuko si Ka Jerry ng M-16 rifle sa militar at itinuro ang kinalalagyan ng mga armas ng rebelde sa Barangay Lukidnon, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya, na nagresulta sa pagkakarekober ng M14 assault rifle at Garand rifles.

Naaalala rin ni Ka Jerry na ang nagkumbinsi sa kanya na mag-NPA ay kilala sa alyas na "Ka Primo." Ipinangako sa kanya ni Ka Primo na kung sasanib siya sa CPP/NPA ay masusugpo nila ang kahirapan ng bansa na hindi naman anya, natupad. (Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments