Cook ng barko natagpuang patay

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Isang 30-anyos na cook ng barko ang natagpuang patay sa loob ng kanyang cabin ng isang pampasaherong barko noong Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala ni Gian Galvez, public relations officer ng Negros Navigation ang namatay na si Richard Moreno, 30, residente ng Bacolod City at naka-assign sa barkong M/S Saint Peter the Apostle.

Ayon kay Galvez, natagpuan ang labi ni Moreno bandang ala-1:30 ng umaga, ilang nautical miles na lang ang layo ng kanilang kinalululanang barko sa pier ng Iloilo galing sa Maynila.

"Ginigising na actually siya nung kasamahan niya for his scheduled shift pero hindi na nagising kaya inireport kaagad nila sa doctor," ani Galvez.

Ayon kay Galvez, kinumpirma ni Dr. Aldouz Fernandez, vessel physician ng nasabing barko na acute pancreatitis o "bangungot" ang naging sanhi ng pagkamatay ni Moreno.

Dumaan din sa isang awtopsiya ang labi ni Moreno pag daong nila sa Iloilo bago ibinalik sa Manila alinsunod na rin sa stardard operating procedure ng shipping lines.

"Bagamat under ng Negrense Marine ang empleyo ni Moreno handa pa rin kaming tulungan ang kanyang pamilya at maibigay lahat ng kaukulang benepisyo na naayon para sa kanya" paliwanag ni Galvez. Ang Negrense Marines ay subsidiary ng Negros Navigation na nagbibigay ng mga trabahador sa ilalim ng housekeeping at food and beverage department ng barko. (Arnell Ozaeta)

Show comments