Confidential agent ng NBI natodas
October 21, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Isang tinedyer na pinaniniwalaang confidential agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kumpirmadong nasawi matapos na aksidenteng pumutok ang baril ng kasamahan ng biktima nang makipagbuno sa suspek sa isinagawang raid sa Barangay Burgos sa bayan ng Ramon, Isabela kamakalawa. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Joey Bumanglad, 19, ng Barangay Bliss Village, Ilagan, Isabela. Lumilitaw sa imbestigasyon, isinisilbi ng mga tauhan ng NBI na kasama ang biktima ang warrant of arrest laban kay Judy Valdez na may kasong estafa, subalit pumalag at nanlaban ang suspek kaya nagkaroon ng komosyon. Napag-alamang isa sa mga NBI agent na may hawak ng baril ang napilitang bigwasan ang suspek kung saan aksidenteng pumutok ang baril nito at tumama sa biktima. (Joy Cantos)
RIZAL Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 26-anyos na babaeng tumatayong espiya ng pulisya ng dalawang miyembro ng sindikato ng droga sa bahagi ng Barangay San Lorenzo Ruiz, Taytay, Rizal kahapon ng madaling-araw. Labing apat na bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Jorilyn "Jocelyn" Audita ng Mahinhin Street ng nasabing barangay. Samantala, nakilala naman ang mga suspek sa alyas "Michael" at "Jimboy," kilalang miyembro ng sindikato na nagpapakalat ng bawal na gamot sa nabanggit na lugar. Ayon kay PO2 Alvin Cetubig, naitala ang pananambang dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Block 12 Phase III ng naturang barangay. Pinaniniwalaang paghihiganti ang motibo kaya isinagawa ang pamamaslang. (Edwin Balasa)
CAMARINES NORTE Tinambangan at napatay ang isang 40-anyos na pinaniniwalaang table manager ng jueteng habang kritikal naman ang kaibigan nito sa naganap na karahasan sa bahagi ng Barangay Anahaw sa bayan ng Labo, Camarines Norte kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Raul Umali, kapatid ng jueteng operator, habang ginagamot naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang sugatang si Henry Oreto, 35 ng nabanggit na barangay. Ayon sa tagapagsiyasat ng pulisya, nag-uusap ang magkaibigan sa harap ng computer shop nang biglang huminto ang motorsiklong may sakay na dalawang hindi kilalang lalaki at nagsimulang magpaputok ng baril. Kapwa duguang bumulagta ang dalawa at naisugod sa nasabing ospital, subalit hindi na umabot ng buhay si Umali. May teorya ang pulisya na away sa ilegal na sugal ang isa sa motibo ng krimen. (Francis Elevado)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest