Itoy sa gitna na rin ng ipinatutupad na red alert status ng PNP at AFP matapos ang serye ng pambobomba ng Jemaah Islamiyah terrorist at ng mga kaalyadong lokal na teroristang Muslim sa rehiyon ng Mindanao.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Calderon, umaabot sa walong sako na naglalaman ng tig-25 kilong kemikal na gamit sa paggawa ng bomba ang nasamsam sa nakadaong na barkong M/V Nica Princely mula sa Jolo, Sulu sa pier ng Zamboanga City bandang alas-6 ng umaga.
Sa pahayag ni P/Supt. Bienvenido Latag ng Zamboanga City PNP, nakatanggap sila ng impormasyon na isang malaking shipment ng bomba ang ibabagsak sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na ang mga sangkap pampasabog na nakasako ay nakalagay sa mga kahon at idineklarang mga isda ang laman.
Kasunod nito, nasakote naman ang dalawang sibilyang sina Amado Batomalaki, 60; at isang 17-anyos na lalaking kasama nito, subalit itinanggi naman ng dalawa na may kinalaman sila sa nakumpiskang saku-sakong pampasabog.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasamsam na mga eksplosibo habang pinalakas pa ang pagpapaigting ng seguridad upang labanan ang banta ng terorismo. (Joy Cantos)