CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Bayolenteng kamatayan ang sinapit ng magkaibigang lalaki na pinaniniwalaang naging tiktik ng militar at pulisya makaraang ratratin hanggang sa mapatay ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Minadonghol, Sanay, Camarines Sur kahapon ng umaga. Nagkabutas-butas ang katawan ng mga biktimang sina Gelacio Ramirez, 47; at Salvador Tusano Jr., 34, kapwa magsasaka sa nabanggit na barangay. Ilan sa mga residente na nakasaksi sa insidente na palakad na lumayo ang mga rebeldeng may bitbit ng malalakas na kalibre ng baril matapos isagawa ang krimen bandang alas-6 ng umaga. Ayon sa tagapagsiyasat ng pulisya, lumitaw na magkasama ang dalawang biktima sa harapan ng kanilang bahay na magkatabi habang umiinom ng kape at nag-uusap nang lapitan ng mga hindi kilalang tinedyer na lalaki. Lumitaw din sa pagsisiyasat ng pulisya na inakusahan ng mga rebelde ang dalawa na nagbibigay ng impormasyon sa militar at pulis sa ikinikilos ng makakaliwang kilusan sa nabanggit na barangay kaya posibleng pinatahimik ang mga biktima.
(Ed Casulla) 2 anak minolestiya ni ama |
CAVITE Kalaboso ang binagsakan ng isang 30-anyos na ama makaraang dakpin ng pulisya dahil sa reklamong rape na isinampa ng kanyang dalawang menor-de-edad na anak sa himpilan ng pulisya sa Binakayan, Kawit, Cavite kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Nestor Gamas matapos na madakip sa Barangay Panapaan, Bacoor, Cavite. Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay inabuso ng suspek sa loob ng dalawang taon na nagresulta para manganak ang isa at kasalukuyang buntis na naman. Hindi naman nabatid kung isasailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang dalawang biktima.
(Cristina Timbang) 3 barangay pinupugaran ng NPA |
CAMARINES NORTE Tatlong barangay sa Daet, Camarines Norte ang iniulat na pinagpupugaran ng mga rebeldeng New Peoples Army, ayon sa resolusyong ipinasa ng Sangguniang Bayan. Sa 2-pahinang resolusyon ni Konsehal Romeo M. Avecilla, ang mga barangay sa bayang nabanggit na kabilang sa 600 NPA infested barangay sa bansa ay ang Barangay Bibirao, Calasgasan at Mambalite. Umalma at mariing pinabulaan naman nina Barangay Chairmen Dominador Dacillo (Bibirao); Ricardo Talan (Calasgasan); at Arnulfo Ocan (Mambalite) ang akusasyon ni Avecilla dahil walang napapaulat na bakbakang nagaganap sa pagitan ng militar at NPA sa tatlong nabanggit na barangay. Idinepensa naman ni Vice Mayor Felix Abogado, ang resolusyong inaprubahan at hindi haka-haka ni Avecilla ang impormasyon dahil ito ay mula sa mataas na opisyal ng AFP.
(Francis Elevado)