Sa ginanap na press briefing kahapon, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon Jr., dakong alas-4:30 ng hapon nang masabat ng mga kawal ng 96th Military Intelligence Company (MICO) ng 9th Infantry Division (ID) sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Borja, ang 95 dram ng pampasabog sa Masbate City Port.
Nabatid na ang nasabing kargamento ay nakarehistro sa pangalang Jojo Lopez na pinaniniwalaang supplier ng kemikal na pampasabog ng mga rebeldeng komunista.
Napag-alamang nakatanggap ng impormasyon ang intelligence operative ng 96th MICO hinggil sa ibabagsak na dram ng kemikal ng pampasabog sa nasabing pantalan kaya agad na nagsagawa ng operasyon sa nabanggit na lugar.
Dahil sa mabilis na pag-aksyon ng mga sundalo ay napigilan ang trahedyang idudulot at maraming sibilyan at ari-arian ang mapipinsala ng mga terorista.
Karaniwang ginagamit ng mga rebelde ang pampasabog sa pananabotahe kabilang na ang cell site ng Globe Telecom at ang pinasabog na Silay Airport na may kaugnay sa pangingikil ng mga rebelde. (Joy Cantos)