Ang mga kinasuhan ay sina Rudy Apolo, publisher ng Asian Star Journal at Asian Star Express Balita kasama pati ang kanyang mga anak na sina Reynaldo at Michelle, staff na si Ed Lara Cuvina.
Kasama ring kinasuhan sina Archie Gadang, editor-in-chief ng tabloid na Katapat at mga staff nitong sina Leonardo Eduave at Jimmy Saberon; Tony Tabbad ng diyaryong Peryodiko at dalawa pa nitong editorial staff.
Ang pag-aresto sa mga mamamahayag ay bunsod ng warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Norberto Quisumbing Jr., Imus Regional Trial Court Branch 21, matapos irekomenda ni Assistant Provincial Prosecutor Vicente Marcelo Osorio sa kasong libelo ang bawat isa.
Sa nasabing order na may petsang October 2, 2006, pinahintulutan ni Judge Quisumbing, ang mga akusado na makapaglagak ng piyansang P10,000 bawat isa para sa pansamantalang kalayaan.
Matatandaang naaresto si Rudy Apolo noong Martes sa loob mismo ng kanyang printing press sa Barangay Sta. Fe, Imus, Cavite bandang alas-9:30 ng umaga at pinalaya rin matapos makapagpiyansa.
Samantala, naglagak naman ng piyansa si Tabbad sa Quezon City, Court of Justice.
"This is pure and plain harassment," ani Tabbad sa PSN. "Meron kaming sapat na ebidensya para suportahan ang aming mga artikulo." Mariing kinondena ng grupong National Union of Journalists of the Philippines, ang paninikil sa mga mamamahayag lalung-lalo na nang magsampa ng kasong libelo si First Gentleman Jose Miguel Arroyo laban sa 40 journalists. (Cristina Timbang at Arnell Ozaeta)