1 patay, 2 grabe sa food poisoning
October 7, 2006 | 12:00am
CAVITE Isang 11-anyos na batang lalaki ang kumpirmadong namatay habang dalawa pa nitong utol ang ginagamot makaraang malason sa kinaing spaghetti at mansanas na ibinigay ng hindi kilalang lalaki sa loob ng kanilang eskuwelahan sa Barangay Panapaan 8, Bacoor, Cavite kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Jayson Llamansares, habang nasa ospital sina Jerson, 7; at Cris, 5. Ayon sa ulat, ang mga biktima ay nahilo sumakit ang tiyan at nagsusuka ilang minuto matapos na kumain ng spaghetti at mansanas. Bukod sa kinain pagkain ay inaalam ng mga awtoridad kung may kinalaman sa pagkamatay ng biktima ang kemikal na pinanturok sa mga bata matapos na ibigay ang pagkain. (Cristina Timbang)
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Dalawang sibilyang lalaki ang iniulat na pinaslang ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Camarines Norte at Sorsogon kamakalawa. Ayon sa ulat ng pulisya, si William Clacio Jr, 27, na isang magsasaka ay pinagbabaril ng mga rebelde habang nagluluto sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Site, Angas, Basud, Camarines Norte. Samantala, si Uldarico Pertez ay dinukot sa sariling bahay sa Barangay Gimagaan sa bayan ng Donsol, Sorsogon na pinaniniwalaang pinaslang din. Napag-alamang si Pertez ay malimit na sumama sa operasyon ng pulisya laban sa NPA kaya posibleng inakalang tiktik ng pamahalaan. (Ed Casulla)
CABANATUAN CITY Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Akyat-Bahay Gang ang dinakma ng pulisya makaraang maaktuhang nagnanakaw sa loob ng Cabanatuan City North Elementary School sa Barangay Aduas, Nueva Ecija kamakalawa ng madaling-araw. Pormal na kinasuhan habang nakapiit ang mga suspek na sina Francisco Saniosa, 29, ng Barangay Barrera at si Rommel Octavio, 28, ng Gen. Natividad, Nueva Ecija. Napag-alamang nagpapatrulya si PO3 Edgar Castro nang matunugan ang mga suspek sa loob ng nasabing eskuwelahan. Maliban sa mga gamit ng eskuwelahan na nasamsam sa mga suspek ay nakumpiskahan din ng ilang plastic sachet ng shabu. (Christian Ryan Sta. Ana)
CAMP CRAME Niyanig ng lindol ang mga residente ng Surigao kahapon ng madaling-araw. Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD). Wala namang naitalang pinsala sa ari-arian at imprastraktura sa intensity 4.8 richter scale na lindol na naramdaman ng mga residente dakong ala-1:41 ng madaling-araw. Nabatid pa sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) na ang epicenter ng lindol ay nagmula may 94-kilometro sa hilagang silangan ng Siargao Island. Naitala naman sa intensity 4 ang lindol sa Surigao del Norte habang intensity 2 naman sa Butuan City. Sinabi pa ng mga opisyal na kiskisan ng tectonic plates ang pinagmulan ng lindol dahil sa paggalaw ng Philippine trench. (Joy Cantos)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended