Batay sa ulat ni Noel Pura, executive director ng Sorsogon Provincial Disaster Coordinating Center sa ilalim ng Office of Civil Defense, kinilala ang mga nasawi na sina May Janer, 5, ng Barangay Pamurayan; Lovely Janoras, 1, ng Barangay Cambulaga; at Joshua Aguirre, 7, ng Barangay Rizal na halos magkakasunod na araw na namatay.
Si Janer ay naubusan ng tubig sa katawan bago tuluyang bumigay noong Linggo (Oktubre 1) habang ang dalawa pa ay noong Miyerkules (Oktubre 4) habang ginagamot sa Sorsogon Provincial Hospital
Samantala, aabot naman sa labinsiyam na iba pa ang patuloy na inoobserbahan sa nabanggit na ospital
Ayon kay Pura, ang mga biktima ay nalason matapos kumain ng kontaminadong tahong, talaba at alimasag may ilang araw na ang nakalipas.
Nabatid na ang mga biktima ay nakaranas ng pagsusuka, pagkahilo, paninikip ng dibdib at pananakit ng ulo kaya agad na dinala sa nasabing ospital.
Sa kasalukuyan ay sinusuri ng pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga laman dagat na kontaminado ng red tide.
Nagpalabas na ng advisory ang Sorsogon Provincial Health Department na pansamantalang iwasan ang pagkain ng laman dagat partikular na ang talaba, tahong, alimasag at talangka.