3  killer ng butanding kinasuhan

CAMARINES NORTE — Tatlong mangingisda na inakusahang pumatay sa isdang butanding ang sinampahan ng kaukulang kaso ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Sangay sa Camarines Sur, kamakalawa. Kabilang sa mga suspek na si kinasuhan ay sina Lauriano Encinas, 60; ang mag-utol na Joel at Joy Abetria na pawang residente ng Barangay Sto. Niño. Ang tatlo ay positibong itinuro ng ilang mangingisdang testigo na pangunahing suspek sa pagpatay sa babaeng butanding noong nakalipas na buwan. Ayon kay Tristan C. Paylado, hepe of Coastal Resource Management Section ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang butanding ay inilibing na sa First Whaleshark Cemetery sa Barangay Sto Niño. (Francis Elevado)
4 ‘akyat-bahay’ nasakote
QUEZON — Hindi na naisakatuparan ang pagnanakaw ng apat na kasapi ng Akyat-Bahay Gang sa bahay ng dating bise alkalde makaraang masakote ng mga nagpapatrolyang alagad ng batas sa kahabaan ng Escueta at Alabastro Street sa bayan Barangay 3, Tiaong, Quezon kamakalawa ng madaling-araw. Naghihimas ng rehas na bakal at pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Jonathan Diaz, 18; Gerald Jadap, 18; Junior Acop, 18; at Angelo Penaflorida, 20; habang nakatakas naman ang lima pang iba kabilang na ang kanilang lider na si Alyas Godo na pawang mga residente ng Lucena City. Base sa tagapagsiyasat na si PO1 Rodil Martin, ganap na alauna y medya ng madaling-araw nang maispatan ng pulisya ang grupo sa garahe ng bahay ni dating Vice Mayor Rey Atienza. Hindi na nakapalag ang apat. Habang ang lima naman ay mabilis na nakasakay sa gateway car. (Tony Sandoval)
Carnapping sa Samar, lumalala
CATBALOGAN, Samar — Nabahala ang mga motorista sa napaulat na lumalalang nakawan ng sasakyan sa bayan ng Catbalogan simula pa noong Lunes at Martes, Oktubre 2 at 3, 2006. Dalawa sa biktima ng carnapping na dumulog sa himpilan ng pulisya ay nakilalang sina Gerry Montejo at Nestor Dasig. Ayon sa hepe ng tagapagsiyasat na si SPO2 Gaudencio Vencio, tatlong magkasunod na kaso ng carnapping ang naitala ng pulisya noong Lunes, habang dalawa naman noong Martes. Lumilitaw sa imbestigasyon, kinarnap ang sasakyan ni Dasig sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Ubanon District 2, samantala, ang sasakyang Honda Dream 100 ni Montejo na nakaparada sa harap ng bahay Samar Board Member Tommy Bolastig ay kinarnap din. Pinag-iingat naman ng pulisya ang mga motoristang nag-iiwan ng kanilang sasakyan na walang anumang padlock sa manibela. (Maricel Castillo)
Cebu div. supt. sinuspinde
Tatlong buwang suspension sa trabaho na walang suweldo ang ipinataw ng Presidential Anti-Graft Commission laban kay Toledo City School Division Superintendent Dr. Jose Cabantan dahil sa paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Ayon kay PSGC Chairman Constancia de Guzman, sinuspinde si Dr. Cabantan dahil sa pagtanggi nitong ipalabas ang Performance Rating for the School Year 2002-2003 kay Ms. Babylonia Ubas. Inakusahan ni Ubas si Dr. Cabantan ng paninikil, abuse of authority at paglabag sa RA 6713 matapos na tumangging ipalabas ang kopya ng kanyang performance rating. Napilitang magsampa ng reklamo si Ubas sa Civil Service Commission, subalit ipinadala ng CSC sa Office of the President sa pamamagitan ng Presidential Assistant for Visayas dahil si Dr. Cabantan ay isang presidential appointee. (Lilia Tolentino)

Show comments