Pinay ni-rape ng Koreano

SUBIC BAY FREEPORT – Hindi pa man natatapos ang kaso ng panghahalay sa isang 22-anyos na Pinay ng mga inakusahang apat na sundalong Kano sa Subic noong Nobyembre 1, 2005 ay isa na namang kaso ng panghahalay ang naganap laban sa isang 23-anyos na babaeng Pinay kung saan ang suspek ay isang Koreano.

Base sa police blotter, ang biktimang itinago sa pangalang, Judy ay residente ng Barangay Banicain, Olongapo City at kasalukuyang cook sa isang barge dregging ship na pag-aari ng Hanjin Heavy Equipment and Industries sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.

Sa panayam kay SPO4 Nasser Abdurassul, chief investigator ng Subic-PNP, nagtungo ang biktima sa kanilang himpilan noong Linggo, Oktubre 1, 2006 upang ireklamo ang ginawang pagsasamantala ng kapitan ng barko na si Young Sil Yoon.

Ayon sa biktima, sinamantala ng suspek ang kasagsagan ng bagyong "Milenyo noong Setyembre 28 ng umaga na nagkataong dalawa lamang sila ng nasabing kapitan sa barge ship na nakadaong may ilang metro ang layo sa baybay dagat ng Sitio Agusuhin, Barangay Cawag, Subic, Zambales.

Nabatid pa na ang biktima ay nagpasuri na sa James L. Gordon Memorial Hospital (JLGMH) sa Lungsod ng Olongapo at hinihintay na lamang ang resulta.

Sa pahayag ni P/Senior Supt. Cezar Jacob, Subic precinct commander, hinihintay na lamang ang koordinasyon ng biktima sa kanila upang tuluyang maaresto ang Koreanong suspek na nakakalaya parin hanggang sa ngayon dahil hindi nila jurisdiksyon ang lugar kung saan naganap ang krimen sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.

Pansamantalang tumangging magbigay ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Intelligence and investigation Office (IIO) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kaugnay sa naganap na insidente.

Napag-alamang naganap ang krimen ng isang araw matapos ang opisyal na pagdalaw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Hanjin construction site kung saan inagurahan ng Pangulo. (Jeff Tombado)

Show comments