Ayon kay Monette Martin ng Provincial Social Welfare Office ng National Disaster Coordinating Council, pinakamalaking naapektuhan ng tubig-baha ang Antipolo City kung saan anim na barangay na kinabibilangan ng San Roque, Dalig, Inarawan, San Luis, San Isidro at Dela Paz.
Batay sa ulat na tinanggap ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Glen Rabonza, ilang kabahayan ang tinangay ng tubig-baha sa Antipolo City na ikinasawi ng tatlo-katao sa Antipolo City at tatlo naman sa bayan ng Teresa maging sa bayan ng Angono, Binangonan, Taytay at Cainta ay napaulat na may nasawi.
Kabilang sa mga bangkay ng biktima na narekober kahapon ng umaga ay nakilalang sina Agustin Macapanas, Fidel Pimentel, 4; Wendel Dela Pena, 16; Teresa Corazon De Rojo, 80; habang patay na rin marahil ang limang bata na tinangay ng tubig-baha matapos na umapaw ang ilog sa Barangay San Roque at Dalig sa Antipolo City at isang hindi kilalang lalaki ang nahulog naman sa manhole na pinaniniwalaang patay na rin.
Dahil sa naganap na insidente ay nagbara sa trapiko ang tulay sa Barangay Inarawan na nag-uugnay sa Olalia at Marcos Highway sa Antipolo City habang may 50-katao naman ang inilikas sa Teresa National High School matapos na bumigay ang bundok sa Barangay Pulang Lupa.
Samantala, umabot naman sa hanggang baywang ang baha sa Barangay San Roque, Poblacion Itaas, Poblacion Ibaba at San Pedro sa bayan ng Angono, habang sa Binangonan ay naapektuhan naman ng flashflood ang Barangay Tagpos at nawasak naman ang 20 kabahayan sa Cainta, samantalang 20 naman sa Sitio Tanglaw, Barangay San Isidro at Inarawan sa Antipolo City. Limang subdibisyon sa Barangay Sto. Domingo naman sa Cainta ang lumubog sa tubig-baha.