Mister inatado ni misis
October 1, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 49-anyos na mister ng sariling misis makaraang magtalo ang mag-asawa tungkol sa pagseselos ng lalaki sa kanyang asawa sa naganap na karahasan sa Sitio Lacsa, Barangay Bonawon, Siaton, Negros Oriental kamakalawa. Hindi na umabot ng buhay sa Negros Oriental Provincial Hospital sa Dumaguete City, ang biktimang si Rosendo Binondo ng nabanggit na barangay, samantalang sumuko naman ang suspek na si Lorgina Binondo matapos isagawa ang krimen dakong alas-6 ng umaga. Napag-alamang nasaksihan ng anak ng mag-asawa ang naganap na pamamaslang sa biktima. (Angie Dela Cruz)
CAINTA , Rizal May posibilidad na kawalang pag-asa na gumaling ang lumalalang karamdaman kaya nagdesisyong magbaril sa ulo at mamatay ang isang 63-anyos na trader sa kanilang tahanan sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal kahapon. Natagpuan sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang biktimang si Jesse Earnheart Sr. ng #106 Maxxis Compound ng nabanggit na barangay. Huling nakitang buhay ang biktima na pumasok sa kanyang kuwarto na nasa ikalawang palapag at ilang minuto ang nakalipas ay umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril. Base sa salaysay ng misis ng biktima na isinumite kay P/Senior Supt. Joel Garcia ng Cainta PNP, ibat ibang ospital na ang pinagdalhan sa biktima na pinaniniwalaang hindi na makayanan ang lumalalang sakit kaya nagdesisyong salubungin si kamatayan. (Edwin Balasa)
CAMP CRAME Pinaniniwalaang hindi nakapagbigay ng revolutionary tax sa maka-Kaliwang kilusan kaya sinunog ng mga rebeldeng New Peoples Army ang isang pampasaherong bus sa liblib na bahagi ng Makilala, North Cotabato kamakalawa. Base sa ulat na isinumite sa Camp Crame, tatlong kalalakihan na nagpanggap na pasahero ng Weena Bus Liner ang sumakay sa Davao City patungong Kidapawan City nang tutukan ang drayber at ipag-utos na dalhin ang sasakyan sa liblib na bahagi ng Malasila Village. Pagsapit sa nasabing lugar ay pinababa ang mga pasahero at binuhusan ng gasolina at sinilaban ang bus habang nakamasid naman ang ilang rebeldeng naghihintay sa nabanggit na lugar. (Angie Dela Cruz)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended
November 26, 2024 - 12:00am