Kawani ng ex-Laguna governor dedo sa sakuna

CAMP CRAME – Patay ang isang kawani ng bar na pag-aari ni dating Laguna Vice Governor at actor Dan Fernandez habang isa pa ang grabeng nasugatan makaraang salpukin ng isang dyipni ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima sa highway ng Sta. Rosa City, Laguna kahapon ng madaling-araw.

Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Abner Cabalquinto, acting director ng CALABARZON PNP, kinilala ang biktima na si Marcel Castillo, 24, empleyado ng Raffers Bar sa The Park Commercial Center sa Barangay Balibago ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan namang ginagamot ang nasugatang biktima na si Mareta Perez, 21, empleyado ng NIDEC semi-conductor firm.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling-araw ng maganap ang sakuna sa kahabaan ng national highway sa Barangay Macabling makaraang mabangga ng isang jeepney na may plakang CRD-482 na minamaneho ni Mario Orosco ang sinasakyang motorsiklo ng dalawang biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang mga biktima kung saan nabagok pa ang ulo ni Castillo na siyang naging dahilan ng maaga nitong kamatayan.

Kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang driver at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at frustrated homicide. (Joy Cantos)

Show comments